Forever in Blue Jeans

April 10, 2012

Ang Unang Pangako

Filed under: Love, Personal, Writings — Tags: , — Jayson Yang @ 10:43 am

Sana maalala mo na noong una tayong nagkita’y kapwa tayo nagtatanong, kapwa tayo naghahanap ng lugar kung saan tayo nabibilang, at kapwa tayo nakakadiskubre ng mga bagay na lahat para sa atin ay bago.

Image Credit

Tulad ng pag-ibig.

Sino ang mag-aakalang ang mga araw na kinikilala natin ang isa’t isa ay unti-unti palang pagsibol ng isang pagmamahalan? Bago tayo magkakilala ay hindi natin alam ang pakiramdam ng umiibig, ngunit hindi sinasadya ay tinuruan natin ang isa’t isa. Wala tayong ideya na ang mabubuo ng ating samahan ay ang sabi nila’y walang kasing tamis na unang pagtibok ng puso.

Tulad ng pagpaparaya.

Sa panahon na tayo’y nagkasama, nabigyan ng bagong kahulugan ang salitang pagpaparaya. Hindi lamang pala ito simpleng pagsuko ng mga bagay na ating ninanais para maibigay sa iba, hindi lang pala ito pag-alintana sa sariling kagustuhan para mapagbigyan ang isa, higit pa pala ito sa pagbibigay at pagpapakumbaba, dahil sa mga panahong pinili nating magparaya ay natuto tayong umunawa at kumilala ng isa’t isang panalangin at minimithi. Natutunan natin na ang kasiyahan ay hindi kailanman pangsarili lamang.

Tulad ng pangangarap.

Noon, ang ideya natin ng pangarap ay may marating na propesyon. Nang tayo’y nagkakilala, tayo’y bumuo ng mga pangarap na higit sa material na bagay at tagumpay. Nangarap tayong mahimbing sa silong ng mga punong-kahoy habang inaawitan ng mga ibon at panghapong hangin. Nangarap tayong makarating sa mga lupaing sa mga libro at pelikula lamang natin nakikita.

Nangarap tayo hindi lamang para sa ating sarili. Pinangarap natin na pagdating ng panahon, ang mga kaytagal na namuhay sa kalungkutan at paghihirap ay sasaya at giginhawa. Nangarap tayong matupad ang pangarap ng iba. Nangarap tayo ng liwanag. Nangarap tayo ng kapayapaan.

Tulad ng pagbabago.

Sana maalala mo na noong tayo’y nagkakilala, kapwa tayo nagtatanong, kapwa tayo may kaba, kapwa tayo takot sa mga mangyayaring pagbabago sa ating buhay. Sana maalala mo na noon, tayo’y mahina, naging sandigan mo ako, naging sandigan kita. Sana maalala mo na nakita mo akong lumuha, nakita kitang nadapa, at sabay tayong bumangon.

Sana maalala mong magkasama tayong nakilala ang ating mga sarili.

Sana maalala mo ang ating mga sinimulan.

Sana maalala mo na ang una nating ipinangako sa isa’t isa ay ang hindi paglimot sa ating mga natutunan.

 

Create a free website or blog at WordPress.com.