Pagkatapos ng halos isang dekada, natatanaw kita, papasok sa bus kung saan ako nakasakay, sa lugar na kaylayo sa ating pinagmulan, dito sa gitna ng mundo.
Ang pakiramdam ko noon, paborito mo akong pagtripan sa iyong klase. Palagi mo akong tinatawag at tinatanong, at isang araw pa, ako ang nag-iisa, sa dinami-dami ng estudyante ang tinawag mo para pabigkasin sa loob ng klase ng isang sensitibo at mapangahas na akda. Hindi ko alam kung paano ako noon magsisimula. Tinitigan ko ang pamagat, “Maselang Bagay ang Sumuso ng Burat”.
Buntong hininga.
Tumingala ako at nakita kitang nakatawa, suot ang makislap na hikaw mo sa isang tenga, sumisilip ang mga marka sa iyong braso, nakatingin ka sa akin, naghihintay na simulan ko ang pagbasa. Wala ako noong naririnig, ngunit nararamdaman ko ang tensyon sa buong klase. Kung nakikita ko noon ang aking sarili, siguro ay wala ng kulay ang aking balat.
Isang napakalalim na buntong hininga.
“MASELANG BAGAY ANG SUMUSO NG BURAT”
Mula noon, wala na ni isang papel na walang pagbanggit ng suso at titi ang ipinasa ko sa’yo. Uno ang marka at may kasamang drawing ng lalaking nakangiti ang nakita ko nang kinuha ko ang classcard ko galing sa’yo.
Tatlong taon pagkatapos na kunin ko ang iyong klase, malapit na akong grumaduate noon at uso ang paglalagay ng grad pic sa Friendster at Multiply. Isang mensahe sa Friendster ang natanggap ko mula sa’yo. “Ang kapal ng lipstick. Congratulations!”. Nagpasalamat ako at sinabi kong ikaw ang naging inspirasyon ko nang magpabutas ako ng tenga at maglagay ng hikaw. Sabi mo, loko-loko ako, at iyon pa ang natutunan ko sa’yo.
Ito ang tunay na itinuro mo sa akin. Binuksan mo ang aking isipan sa mga bagay na ni hindi ko sinubukang kilalanin bago kita naging propesor. Tinuruan mo akong maging mapangahas sa aking pag-iisip at pagsulat. Tinuro mo sakin ang higit na malalim na kahulugan ng katapangan. Tinuruan mo akong maging mapangahas at maging matapang. Tinulungan mo akong mas kilalalin ang aking sarili.
Pagkatapos ng halos isang dekada, natatanaw kita, papasok sa bus kung saan ako nakasakay, sa lugar na kaylayo sa ating pinagmulan, dito sa gitna ng mundo. Maraming alaala ang nagbalik, una na ang pagbigkas ng di ko kailanman malilimutang akda. Isa iyon sa mga kakaunting pagkakataong gusto ko sabihin sa mundo, “Kaya nyo ‘yun?”. Nang tingnan ko noon ang iyong reaksyon pagkatapos kong magbasa, mukhang gusto mong sabihing, “Mahusay”.
*Para sa isang dating propesor. Ang email ad na ibinigay mo noon sa iyong mga estudyante ang sana’y pamagat ng maikling akdang ito, pero baka confidential kaya hindi ko na inilagay, pero sa email ad na iyon ko hinango ang pangalan ng aking blog noong taong kinuha ko ang iyong klase.